Monday, August 29, 2011

Maitim na Balak

Mahiyain ako. Hindi ako mahilig at hindi rin ako sanay sa mga meet-ups. Feeling ko kasi hindi ako marunong makisama lalo na sa unang pagkikita. Pa-bibo ako sa mga kaibigan ko pero hindi ko ma-imagine ang sarili ko na nagpapakitang-gilas sa harap ng mga bagong kilalang tao. Malaki ang chance na manahimik lang ako buong araw, mag-register ng unlimited text tapos mag-GM ng "Parang awa mo na, text text tayo!" sa mga contacts ko habang masayang nagkukulitan ang mga kasama ko. Ganyan ako ka-probinsyano at katakot sa tao noon. Para sa akin, ang eyeball ay nauuwi sa romansahan sa mga motel o di kaya pag-kawala ng mga vital organs mo dahil naibenta na ng na-meet mong kung sinong halang ang kaluluwa kung kaninong walanghiya. Sa aking ganung paniniwala, malugod nating sisihin ang Imbestigador!

Halos isang taon na nung huling nakipag-meet ako sa ilang pirasong mga kapwa ko bloggers. Noong panahon na yun, tatlo kaming magkakasama na na-meet ang dalawang sikat na blogero. Dahil isang hamak na estudyante pa lang ako noon, buwis-buhay ang pagpapaalam. Kailangan pa ng brgy. clearance, police clearance, NBI clearance at valid ID ng taong imi-meet mo para lang payagan ako. Kasi, ako na ang minor! Sa huli, pinayagan din naman ako kaya kasama ang dalawa pang kaibigang bloggers from da prabins, nakipagkita kami sa mga peymous bloggers of the citey.

Nakatanggap muli ako ng isang invitation para sa isang iBall noong mga unang linggo ng Agosto. Isa itong exclusive eyeball, up-close and personal with autograph signing pa sa mga sikat ding blogero na nakagaanan ko na ng loob at naging kaibigan dahil sa pagpapalitan ng comment at messages sa mga social networking sites tulad ng Chwirrer. Gusto ko ng umayaw dahil sabi ko nga sa una, hindi mey sanay sa mga meet-ups. At sa isang 'to, mag-isa kong itataguyod ang mga mangyayari dahil wala na akong mga kapwa probinsyanong kasama. Manela boy na nga pala ako kaya wala akong mahaltak na kakampi. Sadnessmently. More pamimilit at more isip-isip pa, pumayag na din ako. Minsan lang makaka-meet ng mga celebrity kaya sumama na ako. Hindi na rin pahirapan ang pag-papaalam dahil tuli naman na mey, I mean, graduate na ako at isang proud tambay. Kaya go and count me in sa "Maitim na Balak" na yan.
Pahiram sa may-ari. Alam na! 
August 27, 2011. Ang "Maitim na Balak" day. 9 bloggers including me. Enchated Kingdom, Sta. Rosa, Laguna. At may isang epal na umeksena... si @bagyongMina. Rain or shine, tuloy ang "Maitim na Balak". Sa dami naman kasi ng kulay, maitim pa ang napili ng organizer kaya naman literal na maitim ng buong araw na yun ang kalangitan at mag-hapon umulan. Tulad nga ng kasabihang "Sa hinaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy", natuloy pa din ang bonding sa EK (kayo na po ang gumawa ng paraan mai-relate) kahit na mukhang basang sisiw ang lahat. Si Ateng Mina naman kasi, feeling close, nakibonding din ng whole day. Manhid na siya sa all chugeder now na "Rain, rain, go away", hindi na siya affected. Sadnessment lang.

Para sa akin, 3 is a crowd at literal na hanggang tatlong tao lang ang kaya kong i-meet ng hindi ako nahihiya. Hindi ako makapaniwala na kaya kong maitaguyod ang araw na yun mag-isa at nag-enjoy kasama ang mga bagong kakilala. Sa simula, naramdaman ko ang sobrang hiya kaya natahimik lang ako sa isang tabi at observe-observe lang muna. Oras din ang kinailangan ko para makapag-ipon ng lakas ng loob at kapal ng mukha para makipag-interact with the sikats. Sa buong oras din ng pagtahimik ko, hindi ako makapaniwalang kaharapan ko na ang mga taong sa default picture ko pa lang nakikita. Kaya pakiramdam ko, lahat sila ay mga nagsasalitang jpeg file o mga DP na nagkatawang-tao.
Sobrang dami ng nangyari kaya mahirap ikwento lahat-lahat in full details. Lahat ng bloggers na na-kilala ko ay may iba't ibang character na wala kang maitatapon. Lahat sila ay sobrang babait, super accommodating at easy to get along with. Nakakatuwang isipin na may tao pala talagang kayang gumastos ng malaking halaga para sa tickets ng mga taong hindi niya masyadong kilala. May taong kayang magpa-book ng flight mula Iloilo at nag-aksaya ng panahon para lang makasama sa isang eyeball. May taong nanlilibre bigla-bigla ng doughnuts dahil feel na niya na kailangan naming lahat ng sugar rush. At may taong nagbibigay ng muscle fitting na shirt bilang remembrance sa isang taong unang beses pa lang niya nakita. Nakakatuwa sila. :)

Ang daming kwentuhan, kulitan at bonding moments na hindi matatawaran. It was nice meeting you Kuya Bino, Ate Leah, Kuya Carlo, Kuya Xander, Ate Mhel, Kuya Erik, Kuya Berl at Kuya Jay. I really had fun. 'Til next time mga Ate at Kuya. :) Maraming salamat sa lahat.

Parang ang bait-bait ko sa post na to ne? Busilak. Dalisay. Virgin. LOL.
Buti na lang sumama ako. Hihi. 

Tuesday, August 23, 2011

A Feeling of Great Happiness

EUPHORIC. Oo, yung feeling na parang adik. High na high pero hindi sabog. Antok na antok pero sa sobrang pagka-high, hindi makatulog. Alam niyo ba yung ganung feeling? Wag kang masyadong walang-hiya, hindi ako drug addict. Basta nga kase masaya lang. Kadalasan kaya nakakaramdam ng ganto ang isang tao dahil sa sunod sunod na blessing na dumadating sa buhay niya. Ewan ko lang din pala sa iba. Juk.

Halimbawa na lang. Dahil ang likot-likot mo at kung saan-saan ka nakakarating, wala ka ng saturday night sa bahay niyo. Nasa bahay ka ng tita ng kaibigan mo at naki-ref ka pa ng longganisa at binabad na baboy na dadalin mo sa Maynila pag-uwi mo. Sa di malamang kadahilanan, naisipan bigla ng PRC na maglabas ng resulta ng board exam na kinuha mo kaya natameme kayong magkaibigan. Sabay kayong nagpataasan ng pagtayo ng balahibo dahil sa kaba at nag-agawan sa award ng Most Behave. Bigla kasi nag-balik sa inyong ala-ala ang mga pinagdaanan niyo bago kayo magtake ng board exam. Oo nga pala, hindi ka nga pala nag-enrol sa isang review center at nag-desisyon na mag-self-review na lang dahil sa madaming personal na dahilan. Tapos months before your exam ay nag-prepare ka para sa concert ng church mo at nag-sumayaw para kay Bro. Inuna mo pa rin si Bro kahit alam mong kailangan mong mag-aral. Oo, ikaw na ang faithful at loyal Christian! Tapos lalong naging maaksyon ang mga pangyayari dahil nag-search ka sa internet at walang resulta ng board exam na lumalabas. Makire na pala ang PRC at sa facebook nag-lipana ang links kung saan makikita ang listahan ng nakapasa. May nag-send sayo ng listahan tapos dumating ang feeling na parang matatae ka na sa kaba sa pagbukas ng link. Pagkakita ng listahan, nakita mo yung pangalan mo at yung pangalan ng buong barkada mo. RN ka na. RN na kayo.

Yung moment na na-spot-an mo yung pangalan mo... yung pangalan niyo, bigla kayo nagtinginan magkaibigan at nag-simulang maghiyawan. Oo, yung nagwawala ka sa hindi mo bahay? Yung tumatalon ka with full energy at muntik muntik mo matamaan ang ceiling fan ng bahay na hindi naman sa iyo? Yung sumisigaw kayo ng "whoooo..." tapos pati mga kapitbahay ay nagtatanong kung ano nangyayari sa inyo? Ganyan ang naramdaman mo dahil hindi ka makapaniwalang nakapasa ka sa isang exam na apat na taon mong pinaghandaan.


Oh di ba ang saya lang? Euphoric!

Malabo pa din ba? Sige. Second example. Ganire na nga kasi. Gumising ka ng sobrang aga, exactly 4 AM, para gumayak at may pupuntahan kang mahalagang lugar. Nung nasa byahe ka sakay ng isang FX, sobrang lakas naman ng ulan dahil sa bagyong Mina. Pagdaan mo sa Pagcor Parañaque, lubog agad yung daan at hanggang binti agad ang baha. Buti na lang passable pa din at nakadaan kayo ng matiwasay. Pagdating mo sa mahalagang lugar, ang haba ng pila. Maaga ka pa sa takdang oras pero mas madaming taong mas excited sa'yo. Pumasok kayo sa magarang building at dumaan sa proseso. Naghintay kang mag-flash ang numero mo sa queuing number board para moment mo na talaga ito. Sa wakas! 6046 na! Lumapit ka sa window 59 at nakaharap ang isang hamak puti, tangkad at tangos ng ilong na lalaki. Nagsalita siya at tuloy tuloy umagos ang fresh blood sa lahat ng butas ng mukha mo. Oo, gory talaga ang eksena. Hemorrhagic! Kebs pa din kung duguan basta tuloy lang sa usapan. Natapos ang lahat dahil sa mga huling kataga na binitawan ng mas hamak na nilalang: "Your visa has been approved. Congratulations!"
Galing kay Mr. Pa-google.
Hindi siya mukhang masaya sa sinabi niya pero napangiti ka at nagpasalamat. Gusto mo sanang tumalon talon ulit at magsisigaw kaya lang masyado ng madaming tao. Anu be! Dyahe. Sobrang saya mo at magkakasama na ulit kayo ng mga magulang at mga kapatid mo sa America. Makakapagtrabaho ka na para sa kanila. Nalungkot ka sa fact na malapit ka ng umalis pero mas nangingibaw ang saya dahil sa panibagong blessing na binigay sayo ni Bro.

Yun na! Di ba masaya nga? Euphoric nga kase!

Sobra-sobrang kasiyahan. Kadalasan ang mga taong sunod sunod ang blessing na dumadating sa buhay niya ang nakakaramdam niyan. Ewan ko lang din pala sa iba. Juk.

Basta ako? Masayang masaya lang. I am very blessed. Oo! Blessed na blessed. :D God is really good. To God be the glory. Siya naa!

Ang mga halimbawa ay HINDI hango sa tunay na buhay. :D