Ang hirap pala maging young adult (paki lagyan ng matinding stress ang 'young' -- fresh, sariwa, yummy). Kung dati, assignment, project, thesis at quizzes lang ang iniisip ko, ngayon trabaho na! Parang ang tanda-tanda ko na tuloy.
Gustong gusto ko na magtrabaho para naman mafeel ko na may silbi me kahit slight lang. Lahat na ata ng ka-batch ko puro job-hunting ang status sa Facebook. Kanya-kanya ng diskarte, kung ano-ano tinatry at pinapasukan. One day, isang text ang bumubungad sa aking pagmulat na malayo sa paghahanap ng trabaho.
"Mga bests, mag-audition tayo sa PBB. Hehe" mistulang excited na text ni Best Ralph, ang Mr. Pageant ng Cabanatuan Citey. Sinundan pa ng text ni Best Brigitte, ang Little Wonder ng Zaragosa na "Yow, tara sa audition ng PBB." Nagulat naman ako sa plano ng mga kaibigan ko na gusto ay instant yaman. Napaisip tuloy ako kung seryoso sila, parang waste of time and effort lang. Sana ginamit na lang namin ang oras sa bonding o sa mas may sense na bagay tulad ng paghahanap ng work. Kaya nagreply ako ng "Kailan ba? Teka, paplanstahin ko lang yung pang-kabog na outfit ko tsaka makapagpractice lang ng talent."
Maghapon tuloy ang naging usapan tungkol kay Big Brother. Pursigido ang mga kaibigan ko kahit sinabi ko ng libo-libo ang nag-audition dun at mukhang live sa publiko ang interview. Dun ko napatunayan na mukhang gipit sa pera ang mga 'to, matindi pangangailangan at higit sa lahat, may kaibigan akong makakapal mukha.
Planado na ang audition, biglang sumingit ng tanong ang Little Wonder ng Zaragosa, "Yow, alam mo ba yung networking?" Out of nowhere ang tanong na yan at napaisip naman ako bigla. Madalas ko marinig ang networking business at di ko maintindihan kung paano kumita sa ganung larangan. Nagsimula kaming mag-paliwanagan na nauwi sa ayaan na mag-invest. Sa halagang P4,880 lang ay may puhunan ka na at tutubo daw yun ng mahigit kumulang kapag nakapagrecruit ka. Safe naman daw yun at hindi masasayang ang pera mo, medyo kumbinsing na si Best Brigitte at kakagat na ako ng biglang ipinaliwanag niya sa akin ang products ng company na yun.
Bakit nga ba may produkto? Yan din ang di ko alam pero nilinaw naman niya sa akin na hindi kami magtitinda ng kahit ano, kami ang magiging distributor ng mga world-class products. Lalo tuloy lumalabo sa aking pananaw ang networking kaya naman nagtuloy ang usapan hanggang sa pagpresent ng mga products. Kalmahin ang sarili at ihanda sa mga sumusunod na produkto:
PRODUCT no. 1 -- Magic Kulambo. Ang kulambong mosquito-fighter. Pag dinapuan o nilapitan ng blood-sucking mosquito ang kulambo, mamamatay! Hindi ko alam kung baygon ang ginamit na downy sa kulambong ito pero ito daw ay 100% effective. Ang hindi ko lang naitanong kung safe siya gamitin ng tao .
PRODUCT no. 2 -- Amazing Napkin and Panty-liner para iwas cancer. Nag-franchise ba ang lahi niyo ng cancer? Para maiwasan ang pagdevelop ng cancer, gamitin ang amazing napkin and panty-liner na may "thingy" to prevent cancer. This is also said to be effective in preventing Prostate cancer in males. Kamusta naman ang pagtapal ng mga lalaki para umiwas sa cancer? Kamusta naman yun?!
PRODUCT no. 3 -- The Sterile Toothbrush. As is to madlang pipol, ang toothbrush na sobrang linis at hindi dinadapuan ng bacteria. Di ko lang sure kung di rin siya dinadapuan ng langaw o ipis. Pero at least, malinis! Cleanliness is next to Godliness.
PRODUCT no. 4 -- Anti-Rashes Diaper. Para maka-iwas sa butlig na dulot ng diapers, gamitin ang anti-rashes diapers. Para lubos na maiwasan ang diaper rashes, iwasang ihian at dumihan ang diaper habang suot. Goodluck oberder!
PRODUCT no. 5 -- Air load. Sa lahat ng produkto, ito na ang pinakamarangal. Ang pang-load sa lahat ng network, sa online games, internet, cables atbp. Ang di ko naitanong, baka literal na air load ito at sa air na lang mapunta ang load, hindi na dumating. Sinasabi pang iisang phone number lang ang gamit mo sa Air Load na di ko alam kung anong network provider. Baka Air Cellular kapatid ng Sun Cellular. Ang korni amp!
PRODUCT no. 6 -- Ultimate Water Filter. Para masigurado ang kalinisan ng tubig niyo, gumamit ng ultimate water filter. Kahit putik, masasala ang tubig na taglay at pagkatapos ay pwede ng inumin. Marangal, right? Marangal na dugyutan.
PRODUCT no. 7 with PROMO. Pinakapatok na Barley Juice with anti-cancer properties. Dahil sa sobrang patok, nagkaroon ng promo ang Barley Juice. When you buy a box of Barley Juice, you'll get a free ticket of April Boy Regino's The Yeye Bonnel Dude concert! Tama po ang nababasa niyo, once in a lifetime chance. Bili na kayo at nagkakaubusan na. Hindi pa naman sure kung kailan ang concert kaya makakahabol pa. Iwas cancer na, free concert pa!
Sinabi ko namang world-class quality products di ba? Pagkasabi sa akin niyan at after ko tumawa, nagreply ako ng makabagbag-damdaming "Seryoso?!!" Sino ba namang mag-iinvest sa company na ang produkto pa lang mukha ka ng ginagago at pagmumukhain ka pang tanga? Seryus ako Madlang pipol, wala akong dinagdag diyan sa mga products, pinaganda ko pa nga ang pangalan. At sa lagay na yan, may seminar pa about networking at products nila para maging aware ang mas maraming tao. #unkaboggable
Ang hirap talaga kumita ng pera at kung ano-ano naiisipan ng sangkatuhan. Mukhang seseryosohin ko na ata ang audition sa PBB at hindi na ako maniniwala sa networking. Ang sakit sa kili-kili! Pak! Yow, ang humble handsome boy ng Parañaque Citey! Direk Laurenti Dyoga este Dyogi, here I come! Juk.
